Abala at nakatuon ngayon ang atensiyon ni Paolo Contis sa mga proyekto. Napapanood ngayon ang movie nila ni Yen Santos na "A Faraway Land," na tumatanggap ng magagandang feedback.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago" sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Paolo na muli siyang sasabak sa lock-in taping para sa "I Left My Heart In Sorsogon."

Kasama pa rin siya sa sitcom na "Bubble Gang" at may gagawing episode para sa "Dear Uge."

"Very thankful ako with everything that's happening, sa mga blessing na nangyayari regardless of the pandemic," anang aktor.

Panahon na naka-lockdown sa bansa nang gawin nina Paolo ang shooting ng "A Faraway Land," sa Faroe  Island sa  Denmark, na walang lockdown.

Ayon sa aktor, mahirap daw na makalimutan ang Faroe Island dahil sa ganda nito na bumgaay sa kuwento ng pelikula.

"Kapag pumunta ka sa Faroe, nakaka-in love yung buong lugar. Para kang nasa fairytale na lugar," saad ni Paolo na gumanap sa karakter ng isang journalist, na umibig sa karakter ni Yeng na mayroon nang asawa.

Naniniwala si Paolo na marami ang makaka-relate sa pelikula na napapanood ngayon sa Netflix.

Sa isang ulat, pinuri ni Paolo si Yen dahil hindi raw ito mahirap katrabaho.

“She was very professional. Ang dali katrabaho. When she laughs, everyone laughs. Nakakahawa ang kaniyang tawa and she was very easy to work with,” anang aktor.--FRJ, GMA News