Inihayag ni Jasmine Curtis-Smith na tumatanggi siya sa kissing scenes sa mga nakaraang proyekto, pero komportable siya sa eksena nila ni Alden Richards para sa "The World Between Us."
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa 24 Oras Weekend ng GMA News nitong Sabado, sinabing hindi pumapayag si Jasmine sa mga kissing scene lalo kung alam niya na hindi naman kailangan.
Pero sinabi ni Jasmine ang dahilan kung bakit napapayag siya sa eksena nila ni Alden sa kanilang series.
"Ito kasi kailangang maipakita 'yung maturity ng characters tsaka 'yung pagiging naive din nila. Napakakomportable na ng pakikisama namin sa isa't isa," sabi ni Jasmine.
"And it came off very natural. Dahil sobrang professional ng attack niya in terms of what he wants to do sa acting niya and ganoon din ako, jive agad," dagdag pa niya.
Inaabangan ng viewers ngayon kung tuluyang matitiis ni Lia (Jasmine) si Louie (Alden) kahit may damdamin pa rin siya para sa binata.
Natutuwa rin ang aktres kung gaano ka-involved ang viewers batay sa mga reaksyon nila sa social media.
All-out din ang suporta ng mga magulang ni Jasmine sa series nila ni Alden.
"Si mama sa Australia naka-subscribe 'yan sa GMA Pinoy TV. So naka-auto-record din 'yan kasi pagka minsan siyempre, hindi niya nata-timing-an. Si daddy naman, sa sobrang invested niya, tine-text niya ako na dati raw, friend sila ni Ms. Dina [Bonnevie]. Pero ngayon daw dahil sa pagtrato niya sa akin at sa amin ni Louie, ayaw na raw niya," ani Jasmine. —Jamil Santos/KG, GMA News