Pinatunayan ng 75-anyos na si Lola Flor ang kasabihang "first love never dies." Dahil kahit mahigit 50 taon na ang nakalilipas, nasa puso't isipan pa rin niya ang lalaking una niyang minahal na si Lolo Will. Ngayong may pagkakataon na sila'y muling magkita, makamit kaya nila ang inaasam na "second chance"?
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, ikinuwento ni Lola Flor na tindera siya noong taong 1967 sa isang sari-sari store nang makilala niya ang "tisoy" na kapitbahay at family driver na si Lolo Will.
Niligawan ni Lolo Will si Lola Flor at sinagot naman siya nang magpunta sila sa simbahan ng Quiapo.
Pero sa unang taon ng kanilang anibersaryo bilang magkasintahan, nagkahiwalay ang dalawa nang umuwi sa Romblon ang binata para asikasuhin ang kanilang lupa.
Nangako sila sa isa't isa na magsusulatan hanggang sa matigil na ito.
Nang walang natanggap na anumang sulat si Lola Flor mula kay Lolo Will pagkaraan ng tatlong taon, naisip niya na baka pinalitan na siya ng binata kaya nagpatuloy na rin siya sa kaniyang buhay.
Nag-asawa na si Lola Flor nang makatanggap siya ng sulat mula sa kaanak ni Lolo Wil para ipaalam kung ano ang nangyari sa nobyo.
Naaksidente raw sa motorsiklo si Lolo Will at nagkaroon ng amnesia.
Pero huli na ang lahat para kay Lola Flor dahil may asawa na siya kaya hindi na niya sinagot ang naturang sulat.
Ang mister naman ni Lola Flor, nakaramdam ng selos at ipinasunog ang mga sulat at larawan nila ni Lolo Wil. Pero sa paglipas din ng panahon, naghiwalay din sila.
At makalipas nga ng halos 50 taon, naisipan ni Lola Flor sa tulong ng kaniyang apo na subukang magparamdam sa kaniyang first and true na si Lolo Wil sa pamamagitan ng pag-post ng video sa social media.
Hindi naman nabigo si Lola Flor dahil nakatanggap sila ng impormasyon sa kinaroroonan ni Lolo Wil.
At sa unang pagkakataon, magkakausap ang dalawa sa pamamagitan ng video call.
Mangyari na kaya ang inaasahan na muling pagbuhay sa kanilang pagmamahalan?
Panoorin sa video hanggang sa huli ang mala-teleseryeng kuwento na ito ng pag-ibig sa "KMJS."
--FRJ, GMA News