Bago pa man makamit ni Hidilyn Diaz ang kauna-unahang Olympic gold medal para sa Pilipinas sa weightlifting, isang pambato rin ng bansa ang sumubok na makakuha ng medalya sa weightlifting noong 1964 sa Olympics na ginanap din sa Tokyo, Japan.
Ang naturang Olympian ay si Artemio Rocamora, tubong Tarlac, at 87-anyos na ngayon.
Nagkamit siya ng bronze medal sa Asian Weightlifting Championship sa Tokyo, 1964 at naging19th place sa Tokyo Olympics sa nabanggit ding taon.
Pero hindi katulad ngayon na maraming biyaya ang natatanggap ng mga atleta na nakapag-uuwi ng karangalan, sinabi ni Lolo Artemio na noong panahon nila ay wala.
Upang patuloy na makapag-aral at matustusan ang kaniyang pagsasanay noon, sinabayan ito ni Lolo Artemio ng paghahanapbuhay.
Tulad ni Hidilyn, hindi rin naging magaang buhay noon ni Lolo Artemio.
Kung timbang may tubig ang binubuhat noon ni Hidilyn kapag nag-iigib, si Lolo Artemio, banyera na may isda na kanilang itinitinda ang kaniyang binubuhat.
Hindi raw makapaniwala si Lolo Artemio nang mabalitaan na mayroon nang babae sa weightlifting, at lalo pa siyang humanga kay Hidilyn nang maiuwi nito ang kauna-unahang medalyang ginto ng Pilipinas.
Napapalakpak pa nga raw sa labis na tuwa si Lolo Artemio nang mapanalunan ni Hidilyn ang gold medal. At ang kaniyang hiling, makilala at makausap sana ang kapwa niya Olympian.
Tunghayan sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang buong kuwento ni Lolo Artemio at ang pag-uusap ng dalawang weightlifter ng magkaibang henerasyon.
--FRJ, GMA News