Dumadami na ang mga transgender woman na sumasali sa mga beauty pageant. Ano kaya ang masasabi rito ni Miss Universe 2013 3rd runner-up Ariella Arida?

Sa programang "The Boobay and Tekla Show," sinabi ni Ariella na ngayon ang henerasyon na dapat tinatangga ang lahat.

"Nandito na tayo ngayon sa generation na lahat kailangang tanggapin natin at 'yan naman ang ipinaglalaban ng bawat isa sa atin. So ako I don't mind them joining the pageant," anang Kapuso beauty queen.

Gayunman, sinabi ni Ariella na hindi maaaring panghimasukan ang patakaran ng bawat bansa na may kaniya-kaniyang patakaran.

"Pero hindi naman natin kontrol kasi ang bawat countries may sariling rules sa pagsali ng pageant so ito pa rin ay nakadepende sa local organization," dagdag niya.

Nitong nakaraang buwan lang, isang Filipino-American ang itinanghal na kauna-unahang transgender woman na sasabak sa Miss USA pageant.

Sasabak si Kataluna Enriquez, na itinanghal na Miss Nevada USA sa Miss USA 2021 na gaganapin sa November 29. 

Payo naman ni Ariela sa mga aspiring beauty queens, dapat itodo ang puso at ihanda ang buong pagkatao kapag sumabak sa patimpalak.

"Ito ay hindi na lang basta pagsali at basta mo lang ginusto. Lahat ng ito kailangan ibigay mo yung puso mo--101, 110 percent, kung gusto mo talagang sumali," ayon kay Ariella.

"Dahil ngayon, ibang-ibang na ang competition. Every year pataas nang pataas yung standard. So kumbaga hindi lang physical aspect yung pinag-uusapan, pati yung puso mo, emotionally, mental health mo, and of couse buong pagkatao mo kailangan i-ready mo. At pinakamahalaga, kilala mo dapat ang sarili mo," dagdag niya. --FRJ, GMA News