Sa mahigit 50 taon sa showbiz industry, inihayag ng bagong Kapuso na Johnny Manahan a.k.a. "Mr. M," na hindi siya naniniwala sa "network wars."

Sa pagpirma niya ng kontrata sa GMA Network nitong Martes, hiningan ng reaksyon ang batikang starbuilder at direktor, tungkol sa mga puna sa mga artistang lumilipat ng tv networks.

"I personally don't believe in the network wars, you know? I don't know how that happened. Long ago, wala namang gano'n. We could go from one station to another — directors, stars — and wala naman masyadong masamang mga messages," paliwanag niya.

"But now, bigla ang daming mga basher," dagdag ni Mr. M.

Si Mr. M ang dating chairman emeritus ng talent agency na Star Magic, na umalis sa ABS-CBN noong 2020.

Nitong Martes, inihayag ni Mr. M na itinuturing niyang "coming home of sorts" ang pagpirma ng kontrata sa GMA dahil nagtrabaho siya sa network bago ang Martial Law era.

Inilarawan din ni Mr. M na "gypsy" ang pagtatrabaho sa entertainment industry.

"[Ang] mga artista kasi, katulad ng sinabi ko, parang gypsy 'yan eh. They go where the work is. They go where they are appreciated. They go where they are respected, and kapag wala ang isa, dalawa, sa gano'ng bagay, then they think about jumping over the wall," paliwanag niya.

"And I wish them luck. Everybody should wish them luck," patuloy niya.

Ilan pa sa mga bagong Kapuso sina Bea Alonzo, Beauty Gonzales, at Pokwang. — FRJ, GMA News