Itinuturing "blessing" at "therapeutic" ni Jennica Garcia ang kaniyang pagkakasama sa upcoming Kapuso series matapos ang mga dagok na pinagdaanan sa buhay, kabilang na ang paghihiwalay nila ng kaniyang mister na si Alwyn Uytingco.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Jennica na nitong nakaraang Marso nagsimulang magkaroon ng lamat ang pagsasama nila ni Alwyn.
Ito ang rin buwan nang pumanaw ang kaniyang lola dahil sa COVID-19.
"I was praying to the Lord kasi masyadong magkasunod yung malaking event," ani Jennica.
Nagkaroon din umano ng COVID-19 ang aktres at ang dalawa niyang anak.
Ngayon, nagsisimula na si Jennica na mag-adjust bilang isang single mom.
"I have to think of a lot of things that I wasn't thinking about before. Iba kasi kapag may katuwang ka sa buhay," sabi niya.
Nitong Mayo nang kumpirmahin ni Jennica na hiwalay na sila ni Alwyn.
Nagpakasal ang dalawa noong 2014.
Sa kabila ng mga nangyari, inihayag ni Alwyn sa nakaraang post niya sa social media na umaasa pa rin siya na muling mabubuo ang kaniyang pamilya.
Nagpapasalamat si Jennica na nakasama siya sa "Las Hermanas," ang unang full project niya mula nang mag-asawa.
"Masaya lang talaga ako. Sobrang ipinagpapasalamat ko sa Panginoon because the show came at the right time in my life," ani Jennica. —FRJ, GMA News