Ikinatuwa ni Dingdong Dantes na natututo rin ang anak niyang si Zia sa tuwing sinasamahan siya nito sa kaniyang pagvo-voice over sa kanilang tahanan para sa “Amazing Earth.”

"Si Zia actually, may access siya sa isang production side of Amazing Earth na hindi nakikita ng kahit sino for the past months, kundi ako at 'yun ay kapag gumagawa na ako ng voice over," sabi ni Dingdong sa Kapuso Showbiz News.

Ayon kay Dingdong, ginagawa niya ang pag-voice over sa kanilang tahanan mula nang magka-lockdown, kung saan naghahanap siya ng tahimik na lugar sa loob ng kaniyang kuwarto at walang ibang tao para wala masyadong ingay.

"Eh siyempre si Zia hindi siya makatulog na wala ako sa tabi niya. So sinusundan niya ako. Tapos sabi ko 'Sige diyan ka na lang.' Ang nangyayari, nandiyan siya sa tabi ko, naririnig niya lahat ng kuwento," sabi ni Kapuso Primetime King.

"Habang nakikinig siya, parang nanood na rin siya dahil kapag nagna-narrate ako through the voice, mas may parang plus five animation, plus five ang effort mo para maging very lively 'yung pagsabi mo ng words."

Nabighani naman si Zia sa mga natututunan niya sa pag-voice over ng kaniyang ama.

"Nagugulat siya na parang 'Wow!' May term na nga siya sa akin eh na whenever I use 'that' voice, sabi niya 'You're using your Amazing Earth voice again.' So markado sa kaniya," sabi ni Dingdong.

"While she's listening to me, I'm sure natututo siya and at the same time naaaliw din sa akin at natatawa," dagdag pa niya.

Tampok sa Amazing Earth ang kagandahan ng planetang Earth, kasama na ang mga kamangha-manghang tanawin at iba't-ibang uri ng mga halaman at hayop, na napapanood kada Linggo ng 7:40PM bago ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" sa GMA-7. – Jamil Santos/RC, GMA News