Ibinida ng 34 Binibining Pilipinas 2021 candidates ang kani-kanilang national costume sa video presentation na inilabas sa Independence Day. Ang isa sa kanila, gawa ng "Eat Bulaga" dabarkads na si Paolo Ballesteros.

Sa Instagram, inihayag ni Pailo na siya ang nagdisenyo ng national costume ng pambato ng Rizal sa Binibining Pilipinas na si Honey Cartasano.

"Mga Dabarkads! Eto na yung dinesign ko for Honey Cartasano sa Binibining Pilipinas. Vote na for Best in National Costume," saad ni Paolo sa caption ng video na makikita si Honey na suot ang Higantes inspired national costume.

 

 

Kilala ang Higantes Festival na isa sa mga aktibidad sa Angono, Rizal tuwing Nobyembre para ipagdiwang ang araw ni Pope St. Clement.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagdisenyo ng kasuotan ng isang kandidata sa beauty pageant.

Noong 2018, si Paolo ang nagdisenyo ng Filipiniana gown para sa isang kalahok ng Mutya ng Pilipinas.

Sinabi ni Honey nang i-post niya ang video habang suot ng national costume sa Independence Day na; "In celebration of our 123rd National Independence Day, let us continue to cherish and protect the freedom our ancestors fought for!"

Maaaring bumoto sa mapipiling pinakamagandang national costume sa pamamagitan ng pag-like sa post official TikTok channel ng Bibining Pilipinas, at sa kanilang website.

Gaganapin ang Binibining Pilipinas coronation event sa July 11 sa Smart Araneta Coliseum. Magiging host si Miss Universe 2018 Catriona Gray at Miss Grand International 2016 1st runner-up Nicol Cordoves.

Ang mga magwawagi ay kokoronahan bilang Binibining Pilipinas International; Binibining Pilipinas Grand International; Binibining Pilipinas Intercontinental; at Binibining Pilipinas Globe. — FRJ, GMA News