Naaalala at iniisip mo ba kung nasaan na kaya ang childhood bestfriend mo? Si Julienne, idinaan sa Tiktok ang paghahanap sa kaniyang kaibigan noong bata pa siya na si Kenneth, at hindi siya nabigo. Panoorin ang nakakikilig nilang pagkikita.
Nakatira sa Puerto Princesa sa Palawan ang noo'y tatlong-taong-gulang pa lang na si Julienne.
Nagpupunta naman sa kanilang bahay ang kaniyang kaibigan na noo'y limang-taong-gulang na si Kenneth.
Halos buong maghapon na magkasama at naglalaro ang dalawa. Sa isang larawan, makikita pang hinalikan ni Julienne sa pisngi si Kenneth.
Kuwento ng ama ni Julienne, natutuwa rin naman siya sa batang si Kenneth dahil sa mabait ito at magandang lalaki.
Hanggang sa isang araw, bigla na lang nawala at hindi na nagpunta si Kenneth sa bahay nina Julienne dahil biglaan pala silang lumipat na ng bahay ng kaniyang ina.
Hindi na alam nina Julienne mula noon kung ano na ang nangyari kay Kenneth.
Hanggang sa isang araw, nakita ni Julienne ang isang lumang hard drive na naglalaman ng mga larawan at video nila ni Kenneth noong bata pa sila.
Mula sa mga larawan, gumawa ng Tiktok video si Julienne sa pag-asa na may makakakilala kay Kenneth o makita mismo ito ng kalaro upang magkaroon muli sila ng ugnayan--at hindi siya nabigo.
May nagsabi kay Julienne na nakatira ngayon si Kenneth sa Palawan din na tatlong oras ang layo sa kaniyang lugar.
Noong una, nag-aalangan at nahihiya si Kenneth na makipagkita kay Julienne.
Aminado rin ang binata na nagkaroon siya ng crush kay Julienne pero nangangamba siyan na wala siyang laban sa ibang lalaking nagpapakilala sa kaibigan na mas matitipuno at mapuputi ang balat.
Pero nang magkaroon na ng lakas ng loob at magnegatibo sa COVID-19 test, nagpasya si Kenneth na puntahan na si Julienne, at sa unang pagkakataon pagkalipas ng 17 taon ay muli silang magkikita.
Tunghayan sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" ang nakakikilig na eksena, na maaaring magpabalik din sa alaala ng marami at mapaisip kung nasaan na kaya ang best friend nila noon. Panoorin.
--FRJ, GMA News