Ipinasilip na ang hitsura ng set ng Camp Big Falcon para sa inaabangang Kapuso live-action series na “Voltes V: Legacy.”
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, ipinakita ni direk Mark Reyes ang ilang larawan ng Camp Big Falcon, Boazanian Skull Ship, at Underground Base.
Ayon sa direktor, tatlo hanggang apat na basketball court ang laki ng set ng Camp Big Falcon, habang dalawang basketball court naman ang Boazanian Skull Ship.
“When we saw it, even we were shocked,” saad ng direktor.
Dahil sa laki ng set, aabot daw ng halos isang taon ang paggawa ng mga ito.
Sumailalim na rin sa lock-in taping ang cast ng serye at naisukat na rin nila ang costumes na masusing pinag-aralan ang disenyo.
“It’s not like ‘Encantadia’ where we worked with our own creation. It’s a franchise, so we have to get approvals from Japan, and fans have a mindset that it should be good,” paliwanag ni direk Mark.
“We have to update it to find a good marriage within the classic ‘Voltes V’ look and one that’s acceptable nowadays,” patuloy niya. “We won’t do plain spandex.”
Ayon pa sa direktor, bukod sa pinagandang set at costume, pinaganda rin ang CGI (computer-generated imagery) ng serye kaya hindi puwedeng basta madaliin.
Kabilang sa mga bibida sa serye sina Miguel Tanfelix, Ysabel Ortega, Radson Flores, at Matt Lozano. Kasama rin sina Martin del Rosario, Carlo Gonzales, Epi Quizon, at Liezel Lopez.–- FRJ, GMA News