Ginamit na pagkakataon ng ilang kandidata ang national costume competition ng Miss Universe pageant na ginaganap sa Amerika para maghatid ng mensahe sa mundo. Gaya ni Miss Singapore na may panawagan na: "Stop Asian Hate."

Sa naturang kompetisyon na ginanap sa Florida, USA, rumampa na suot ni Miss Singapore 2020 Bernadette Belle Ong,  ang makintab na pulang bodysuit na may kasamang malapad na red and white na kapa.

Sa likod ng kapa, nakasulat ang mensaheng "Stop Asian Hate."

 

 

Ayon sa announcers, ang pula sa kasuotan ni Ong ay kumakatawan sa “equality for all,” habang ang puti ay simbulo ng “everlasting virtues.”

Ipinakilala ang kasuotan ni Ong sa mensaheng : “Singapore is a place for all races and they are very proud to be Asian.”

Samantala, kahit hindi nagamit ni Miss Myanmar Thuzar Wint Lwin, ang kaniyang national costume dahil sa aberya, gumawa pa rin siya ng paraan upang maipahatid sa mundo ang mensahe para sa kaniyang bansa.

Suot ang tradisyunal na kasuotan ng kanilang bansa, may dala si Thuzar na mensahe at nakasulat na: “Pray for Myanmar.”

 

 


Ilang buwan na ang nakalilipas nang agawin ng militar ang pamamahala sa kanilang bansa.

Kasunod ng mga protesta, tinatayang mahigit 700 katao na ang nasawi at 5,000 ang nadakip sa kanilang bansa.

Mensahe naman ng pag-asa sa harap ng nararanasang pandemya dulot ng COVID-19 ang nais iparating ni Miss Israel Tehila Levi, sa suot niyang costume na gawa sa mga disposable face masks.

Ayon sa announcer, "the dress symbolizes a heartfelt hope for a brighter future where masks are no longer necessary.”

 

 


Sa naturang kompetisyon, inirampa ng pambato ng Pilipinas na si Rabiya Mateo ang kulay ng watawat ng Pilipinas na may pagka-Victoria's Secret ang estilo.

 

 

--FRJ, GMA News