Inihayag ng international singer na may dugong-Pinay na si H.E.R. na isang Filipino song ni Megastar Sharon Cuneta ang madalas niyang kantahin.
"My mom's favorite is Sharon Cuneta so I used to sing 'Maging Sino Ka Man' all the time. That was my Filipino go-to song," kuwento ni H.E.R sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes.
Bukod kay Sharon, sinabi ng Grammy at Oscar winner na paborito rin ng kaniyang Pinay mom na si Agnes Wilson, si Gary Valenciano.
Taong 2019 umano nang huli siyang makabisita sa hometown ng kaniyang ina sa Nueva Ecija.
"Karaoke [and] my grandpa getting lasing. It's just fun eating a lot of sinigang and kare-kare. I just learned how to make kare-kare, by the way," masaya niyang kuwento.
Bagaman sa Amerika isinilang at lumaki si H.E.R., sinabi ng mang-aawit na alam niya ang kulturang Pinoy.
"I love my mom and how she's made sure that I'd stay connected to my roots and even having my grandparents in the house making sure that I could speak Tagalog," saad niya.
Sinabi pa ni H.E.R. na iniaalay niya sa Diyos at kaniyang magulang ang natanggap niyang pagkilala mula sa Oscar at Grammy.
Nagpasalamat din siya sa suporta ng mga Pinoy.
"Maraming salamat for all the support," ani H.E.R. "I love you, guys. I really appreciate all the love and support that you guys show me."
Plano raw ni H.E.R., na makipag-collaborate sa ibang Filipino-American singers. —FRJ, GMA News