May mensahe sa kanilang Pinoy fans ang Filipino-American singers na sina Olivia Rodrigo at H.E.R., na gumagawa ngayon ng marka sa international music scenes.
Ang 18-anyos na si Olivia, hindi makapaniwala sa tagumpay ng kaniyang mga awitin tulad ng “Drivers License” na namamayagpag sa music charts.
Filipino ang ama ni Olivia at nais daw niyang makabisita sa Pilipinas.
“I really wanna go visit one day. I’m really hoping I could come to the Philippines sooner rather than later. I hear it’s amazing and I can’t wait to meet all of the Filipino fans,” saad niya.
Nang tanungin kung may kilala siyang Filipino celebrity, sinabi ni Olivia na natutuwa siya kapag may nagsasabing kamukha niya si Miss Universe 2018 Catriona Gray.
“People are saying that I sort of look like her which is insane because she is really the most beautiful person I have ever seen so every time people say that I’m like, oh really, that’s crazy!,” ayon kay Olivia.
No. 1 sa Billboard Hot 100 at nanguna rin sa global charts ng streaming platforms ang “Drivers License,” ang unang kanta na umabot sa one billion streams ngayong 2021.
Mayroon din bagong single si Olivia na “Déjà Vu” at maglalabas siya ng bagong album ngayong Mayo.
Samantala, ibinida naman ng Oscar at Grammy winner na si H.E.R., sa kaniyang Pinoy fans ang kaniyang bagong awitin na “Hold Us Together” kasama ang Christian singer na si Tauren Wells.
“Kumusta my Filipinos? Kumusta mga Kapuso?” ayon sa 23-anyos na mang-aawit. “Ingat, salamat po.”
Nitong nakaraang buwan, nakamit ni H.E.R. ang Academy Award for Best Original Song para sa awiting “I Fight For You,” na inawit sa pelikulang “Judas and the Black Messiah.”
Nitong Marso, nagwagi siya ng Song of the Year para sa “I Can’t Breathe” at Best R&B song para sa “Better Than I Imagined” sa 63rd Annual Grammy Awards. – FRJ, GMA News