Inihayag ni Jelai Andres na mayroon siyang dating nobyo na pumanaw na, at nananatili pa rin siyang close sa mga magulang nito.
Sa kaniyang latest vlog, binalikan ni Jelai ang kaniyang mga nakaraang relasyon habang naglalaro ng isang drinking game, na tila nagbago ang takbo nang tanungin siya tungkol sa buong pangalan ng kaniyang ex.
""Paul Santos... Siya 'yung ex ko na wala na pero ang bait-bait niya," sabi ni Jelai.
Hindi na idinetalye pa ni Jelai ang tungkol sa kanila ni Paul, pero sinabi niyang nagtagal ang naging relasyon nila at naging close pa siya sa pamilya nito hanggang ngayon.
"Hanggang ngayon, okay na okay kami ng family nila kasi natutuwa ako, super naging close ko yung parents," sabi ng aktres.
"Lagi namang ganun eh, love ako ng mga parents ng naging ex ko, as in gustong-gusto nila ako promise," dagdag pa ni Jelai.
Ayon pa kay Jelai, may komunikasyon pa rin siya sa pamilya ni Paul kahit na ikinasal na siya, at ipinakilala pa niya ang mga ito sa kaniyang asawa na si Jon Gutierrez a.k.a. King Badger ng Ex Battalion.
Inalala pa ng internet celebrity kung paanong lumipad pa ang mga kamag-anak ni Paul mula sa ibang bansa para makadalo sa kaniyang kasal.
Matapos magkaroon ng problema ang kanilang pagsasama, nakagawa naman ng paraan sina Jelai at Jon na maging "magkaibigan". Sa kabila ng kanilang breakup dahil sa umano'y third party, gumaganap ang dalawa bilang isang couple sa Kapuso drama na "Owe My Love." --Jamil Santos/FRJ, GMA News