Maging ang resident doctor ng programang "Pinoy MD' na si Dr. Raul "Dr. Q" Quillamor at ang kaniyang kapatid ay dinapuan din ng COVID-19.
Sa programa, ibinahagi ni Quillamor, isang Obstetrician Gynecologist, na sabay sila ng kaniyang kapatid na si Alvaro na nagpositibo sa virus.
Mas nauna umanong naipasok sa kuwarto ng ospital para sa mga pasyenteng may COVID-19 ang kaniyang kapatid, habang siya ay naiwan pa sa emergency room at naghintay din ng mababakanteng kuwarto.
Kapwa itinuturing high-risk sa virus ang magkapatid dahil bukod sa parehong na silang senior citizen, at may mga kaakibat na rin silang karamdaman.
Ayon kay Dr. Quillamor, mas peligroso ang kalagayan ng kaniyang kapatid dahil nagda-dialysis ito.
Sabay silang pumasok ng ospital nitong nakaraang buwan pero si Dr. Quillamor lang ang pinalad na gumaling. Pagkaraan ng dalawang linggong gamutan ay nakalabas na siya ng ospital.
Naging dagdag ng sakit ng damdamin ni Dr. Quillamor na siya rin ang kailangan na maghatid ng malungkot na balita sa kanilang ina tungkol sa nangyari sa kapatid.
"Ang isip ko talagang kung saan-saan napupunta. I cannot focus on one thing that's a very difficult situation to be in," daad niya.
Sa datos ng Inter-agency Task Force Sub-Technical Working Group Data Analytics, kapag nagkaroon ng COVID-19 ang mga nakatatanda, limang beses na mataas ang posibilidad na maging severe o malubha ang kanilang kaso, at 10 beses na mas mataas ang posibilidad na pumanaw.
Ang dahilan nito ay mas mahina na resistensiya ng mga nakatatanda, hindi na rin lubos ang paggana ng mga baga, lalo na kung may iniinda na rin silang mga dating karamdaman.--FRJ, GMA News