Mula nang iwan ni Hans Montenegro ang showbiz noong 2004, umikot na ang kaniyang mundo sa corporate industry. May plano pa kaya siyang umarte o mag-host muli?
Sa panayam ng programang "Just In" ni Paolo Contis, aminado si Hans na nami-miss din niya ang showbiz dahil na rin sa kakaibang samahan ng mga artista at mga taong nasa likod ng camera.
BASAHIN: Hans Montenegro, naging maayos ang relasyon sa ex-wife at naging mister nito
Kuwento ni Hans, bagaman nagmo-model na siya noong high school, wala sa isip niya na pumasok sa showbizness.
Pero sa hindi inaasahang pagkakataon noong bumalik siya sa Pilipinas matapos mawalan ng trabaho sa Amerika, bigla siyang napasok sa "Unang Hirit" bilang host, sa tulong ng kaibigan na si Paolo Bediones.
At mula noon, nagbukas na sa kaniya ang showbiz hanggang sa iwan niya ito noong 2004 para magtatrabaho sa isang korporasyon.
"Bumalik ako sa corporate. Human resources kasi 'yung inaral ko... Pinursige ko 'yung HR pero pinasok ko 'yung BPO call center," kuwento niya.
"Pinili ko na itong buhay na ito mula 2004, so 17 years na akong corporate. Ito na 'yung pinakamatagal kong commitment sa buong buhay ko," dagdag niya.
Tinanong si Paolo si Hans kung babalik ba siya sa showbiz sakaling may proyektong ialok sa kaniya.
"Anytime," saad niya. "Ang sa akin lang, kung ang tanong ay willing ba ako, siyempre. Why not, 'di ba?"
"Kung dati nandoon ako sa punto na hindi ko alam ano ang ambisyon ko sa buhay kaya subukan ko na lang lahat. Ngayon medyo alam ko na kung ano talaga yung direksyon ng buhay ko, pero hindi pa rin mawawala yung, of course, I will do it," paliwanag pa niya.-- FRJ, GMA News