Matapos lumubha ang kalagayan kahapon, bahagya umanong bumuti ngayong Miyerkules ang kondisyon ni dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada na nakikipaglaban sa COVID-19, ayon sa anak niyang si dating senador Jinggoy Estrada.
Ayon sa nakababatang Estarada, stable at normal ang vital signs ng kaniyang ama na nasa ICU at mayroong mechanical ventilation dahil sa paglala ng kaniyang pneumonia nitong Martes.
"Nag-improve naman po nang bahagya," anang dating senador tungkol sa kalagayan ng 83-anyos na ama.
Sa medical bulletin ng dating pangulo na ibinahagi ni Jinggoy sa kaniyang Facebook page, sinabi ng dating senador na maayos na gumagana ang kidney at maging ang paghinga ng kaniyang ama.
"His other vital organs are functioning well," anang dating senador.
"We were informed by his physicians that his inflammatory markers are on a downward trend for which we are thankful and hopefully this signals that his immune system is responding well," sabi pa ni Jinggoy na patuloy na humihingi ng dasal para sa maggaling ng kaniyang ama.
Marso 29 nang ibalita ni Jinggoy na nagpositibo sa COVID-19 si Erap, na bago naging politiko ay kilalang action star sa mga pelikula.
"Hindi naman siya lumalabas ng bahay, siguro 'yung pag-entertain ng mga bisita sa bahay," paliwanag ni Jinggoy tungkol sa posibilidad kung papaano nahawa ng virus ang ama.
Ayon kay Jinggoy, nagpositibo rin sa COVID-19 ang kaniyang misis na si Presentacion, habang negatibo naman siya.
Sinabi rin ni Jinggoy na tinanong niya ang mga doktor kung puwede bang bigyan ng gamot na ivermectin ang kaniyang ama pero hindi raw pumayag ang mga doktor.
Ang ivermectin ay isang anti-parasitic drug na hindi pa inaaprubahan na gamitin sa mga tao. —FRJ, GMA News