Kahit nagpapatawa bilang komedyante, inilahad ni Kiray Celis ang ilan sa mga nararanasan niyang hirap sa trabaho, tulad ng pagiging masaya kahit iba ang tunay niyang nararamdaman.
Sa At Home with GMA Regional TV, sinabi ni Kiray na sinulit niya ang kaniyang oras sa pamilya para makabawi sa kanila ngayong may pandemya at limitado ang mga trabaho.
Kahit na kilala sa mahusay niyang pagpapatawa, sinabi ni Kiray na hindi nawawala ang ilang hamon sa mga trabaho.
"Ang mahirap lang naman, 'yung makisama sa mga tao, lalo na kapag... mahirap magpatawa kapag hindi ka naman talaga masaya," sabi niya.
Dagdag ni Kiray: "'Yun na siguro 'yung hardest part sa trabaho ko. Kasi kailangan kong maging masaya kahit hindi naman ako masaya."
Nang tanungin ng "What makes you happy?" sumagot si Kiray na ang kaniyang pamilya, mga kaibigan at ang kaniyang nobyo ang mga nagpapasaya sa kaniya.
Kasama si Kiray sa cast ng "Owe My Love" kung saan gumaganap siya bilang si Evelyn o Evs.
"Maraming trabaho. Masaya ako kasi kahit na may pandemic tayong nangyari sa buhay natin ngayon, isa ako sa mga mapalad na nagkaroon, at merong trabaho," sabi ni Kiray.--FRJ, GMA News