Aminado ang dating professional basketball player na si Noli "The Tank" Locsin na naging "biktima" siya ng paglalaro ng mga dayuhan na may dugong Pinoy sa basketball sa Pilipinas. Tutol kaya siya sa nasabing sistema lalo 'pa't nawawalan daw pagkakataon ang ibang purong Pilipino na makapaglaro sa mga propesyonal na liga. Alamin ang kaniyang kasagutan.
kuwento ni Noli kay Paolo Contis na host ng online talk show na "Just In," noong panahon nila nagsimula ang natirang sistema na payagan na maglaro ng mga basketball player na may dugong banyaga rin.
"Noong panahon pa namin nagsimula 'yan halos eh. Isa rin ako, biktima rin ako. Sorry sa term na 'biktima,' ibig sabihin tinamaan din ako roon dahil noong nakalaro na ako ng ilang years, siyempre tumatanda na rin tayo, puwede pa sana tayo eh, kaso lang nagdatingan 'yung mga 'yon," pahayag niya.
Gayunman, hindi tutol si Noli sa naturang sistema. "We have nothing against doon sa mga legit, wala naman tayong problema, karapatan din nilang magkaroon ng trabaho," sabi niya.
"Parang tayo, kung pupunta tayo sa ibang lugar, puwede rin naman tayong magtrabaho roon, basta legit tayo," dagdag ni Noli, na naglaro para sa Ginebra noong 90's.
Sang-ayon naman ang basketball player na may ilan pa ring pagkakataon na nababawasan ng oportunidad ang mga purong Pilipino na makapaglaro sa mga liga ng basketball dahil ang mga may lahing dayuhan ang napipili.
"So tama 'yung sinasabi mo na kawawa naman 'yung mga home grown sa atin na nagsusumikap tapos nawawalan ng chance. Kung hindi nawawalan, bumababa 'yung [chance] nila dahil sa dumadating galing sa ibang lugar."
"Again, wala akong masamang ano doon sa mga dumadating, basta legit," sabi ni Noli.-- FRJ, GMA News