Inihayag ni Paul Salas na sarili niyang desisyon ang pagpasok sa showbiz, at hindi naimpluwensiyahan dahil lang nasa entertainment industry ang kaniyang pamilya.
Sa Mornings with GMA Regional TV, sinabi ni Paul na katunayan, tutol ang kaniyang mga magulang na pumasok siya sa showbiz sa murang edad.
"Actually nu'ng five years old, six years old, ayaw naman talaga ng parents ko kasi gusto nilang unahin ko 'yung studies ko. Pero nag-promise kasi ako sa kanila na gusto kong mag-audition sa Starstruck Kids, gusto kong mag-try," saad ng Kapuso actor.
"Siguro meant to be lang din para sa akin, plan lang din ni God kasi passion ko talaga 'yung pag-a-acting," dagdag ni Paul.
Matatandaang gumanap si Paul bilang si Marty Talledo sa Philippine adaptation ng Descendants of the Sun.
Napapanood naman ngayon si Paul sa bagong romance-fantasy series ng GMA Public Affairs na "The Lost Recipe."
"Para sa akin blessed naman po ako na nabigyan ako ng opportunity at pinayagan ako ng parents ko na mag-showbiz," sabi niya.
Nagbalik-Kapuso si Paul matapos siyang pumirma ng exclusive contract sa GMA Network noong 2018. -Jamil Santos/NB, GMA News