Bukod sa magandang takbo ng career at maraming sumusporta sa kaniyang vlog, isa pang ipinagpapasalamat ni Buboy Villar na maayos ang kalagayan ng kalusugan ng kaniyang dalawang anak.
Sa panayam ng GMA Regional TV Live nitong Martes, sinabi ni Buboy na mabilis ang paglaki ng kaniyang mga anak at parang kalaro lang daw niya.
Nang tanungin kung ano ang mensahe niya para sa mga anak ni Angillyn Gorens na sina Vlanz at George, sabi ni Buboy, "Kahit na ilang beses pang mag-interview sa akin, isa't isa lang ang sasabihin ko. Mahal na mahal ko ang mga anak ko."
Patuloy pa ng Kapuso actor, "At kahit kailan, hinding-hindi [ko] sila mapapapalitan. Talagang sila ang sentro ko."
Sa kaniyang vlog nitong Enero, mapapanood na dinalaw ni Buboy ang kanilang mga anak sa bahay ni Angillyn at dinalhan niya ng mga pagkain.
Maliban dito, nakipaglaro at nakipaghabulan pa ang aktor sa kaniyang mga anak at sa alaga nilang aso na si Gotti.
Sa kaniyang YouTube post noong Oktubre, kinumpirma ni Buboy na dalawang taon na silang hiwalay ni Angillyn. Pero sinubukan pa raw nilang ayusin ang problema sa kanilang pagsasama sa unang taon ng kanilang paghihiwalay pero nabigo sila.
Giit ng aktor, walang third party na sangkot sa kanilang paghihiwalay, at nasa Amerika ngayon si Angillyn para magtrabaho.
Naiwan naman ang mga bata sa poder ng mga magulang ni Angillyn pero pinapayagan si Buboy na puntahan doon ang kaniyang mga anak.
Napapanood ngayon si Buboy sa primetime series na "Owe My Love," habang naka-isang milyon na ang subscriber ng kaniyang Youtube account.--FRJ, GMA News