Inilahad nina Kakai Bautista at Ahron Villena ang kanilang mensahe kung sakaling muli nilang makaharap ang kanilang "the one that got away" o TOTGA.

"Why didn't you believe in me?" sabi ni Kakai sa "Mars Pa More," na tila may malalim na hugot.

"It sums up all the kemerut, ganon," dagdag ni Kakai.

"Bakit siya at hindi ako?" ang one-liner naman na hugot ni Ahron.

"Iisipin ko na lang, akin ka dapat eh kaso hindi ka naging akin" dagdag ng Kapuso actor.

"Nako, nako, alam ko 'yun," pagtugon ni Kakai kay Ahron, pero hindi na ito pinangalanan pa ng comedienne.

Hindi man naging happy ending ang relasyon nila noon, dati nang inihayag ni Kakai na mas mabuti nang magkaibigan silang muli ni Ahron.

"Pero kasi, feeling ko kasi, ang ganda ng nangyari na kahit ganoon na naging sensational kasi, mas maganda 'yung relationship namin ngayon as friends, gano'n. Hindi na kami nahihiyang magsabi ng kung anu-anong mga bagay," sabi ni Kakai.

Matatandaang naging usap-usapan na nagkaroon sina Kakai at Ahron ng relasyon noon.

Ngunit hindi naging maganda ang takbo ng relasyon nila, nang i-delete ni Ahron ang mga larawan nila ni Kakai sa Instagram. – Jamil Santos/RC, GMA News