Natatawang ikinuwento ni Abdul Raman ang kaniyang unforgettable conversation sa batikang aktres na si Cherie Gil sa lock-in taping nila sa upcoming GMA series na "Legal Wives."
"Ito 'yung gabi na kakarating ko pa lang [sa location]. Naglalakad na ako papunta sa canteen kasi gutom na ako. 'Yun pala on break 'yung buong cast along with the crew," bungad ni Abdul sa "Hangout" ng GMA Artist Center.
Matapos nito, umupo raw ang baguhang aktor sa harap ni Cherie habang nagkakainan ang lahat.
"Sabi niya sa akin 'Abdul, do you drink?'" tanong sa kaniya ng aktres.
"Sabi ko 'Ay hindi po. Bukod sa bawal, ayoko na rin po,'" tugon naman ni Abdul.
Patuloy ni Abdul: "Tapos sabi niya, 'Ah okay. Then what is your poison?"
Sagot naman daw si Abdul, "Kaligayahan."
Nagdulot daw ng sobrang kasiyahan sa cast at crew ng "Legal Wives" ang naturang pag-uusap ng dalawa.
Ang 'What is your poison?' ay isang lumang pagtatanong kung ano ang gustong inumin ng isang tao.
Sinabi ni Abdul na nakatulong ang kaniyang karakter sa "Legal Wives" na mas maging in touch pa siya sa kaniyang relihiyong Islam.
Bukod kay Abdul, kasama rin sa Legal Wives sina Andrea Torres, Dennis Trillo, Alice Dixson, Bianca Umali, at Cherie Gil.-- FRJ, GMA News