Bukod sa pagiging frontman ng bandang "The Dawn," napapanood din si Jett Pangan sa mga teatro at telebisyon. Paano nga ba siya nakapagsimula sa kaniyang acting career mula sa pagiging isang singer?
Sa GMA Regional TV Early Edition, ikinuwento ni Jett na nagsimula ito nang makasali siya sa musical theater.
"2000, I got very busy with musical theater. So since then every year I would have a theater performance live. All the while it's happening I'm still being a musician for The Dawn," sabi ni Jett.
Hanggang sa unti-unting mapansin ng mga network ang kaniyang acting.
"And then na-take notice na lang ng networks. 'Hey, Jett can do acting so why don't we guest him or feature him in this teleserye, in this movie?'" kuwento ng The Dawn singer.
Kasama ngayon si Jett sa Kapuso Afternoon Prime series na "Babawiin Ko Ang Lahat," kung saan gaganap siya bilang isang Japanese.
"For about four years I have done quite a bit of teleseryes. This is my second teleserye in GMA. Parang blessing lang talaga na nangyari ito," sabi ni Jett.
Gagampanan ni Jett ang karakter ni Akira, dating nobyo ni Dulce (Carmina Villarroel) na susundan si Dulce hanggang sa Maynila dahil sa utang.
"The story is very centered around family, what can make a family together or what can break it apart," sabi ni Jett.
Kinailangan daw na mag-aral ng Japanese language si Jett para sa kaniyang mabagsik na role. --FRJ, GMA News