Inihayag ni Kuya Willie Revillame ang kagustuhan niyang tulungan ang jail doctor na tinutugunan ang medikal na pangangailangan ng Persons Deprived of Liberty (PDL) sa NCR, matapos niya itong mapanood sa dokumentaryo ni Atom Araullo.

Tinutukoy ni Kuya Wil ang i-Witness documentary na "Huling Pasyente" ni Atom, kung saan itinampok ng award-winning journalist ang kuwento ni Dr. Henry Fabro, nag-iisang jail doctor sa buong NCR na tinutugunan ang mahigit 36,000 na PDL.

"Masarap ang buhay sa Pilipinas, iba talaga kasi Pilipino tayo, ang hinahanap ng katawan natin Pilipinas. Iba kapag kasalamuha mo ang kapwa mo Pilipino," sabi ni Dr. Fabro na nagtrabaho muna sa UK.

"'Yung set-up ng UK maganda, pero mas maganda magsilbi sa kapwa Pilipino," sabi ng emosyonal na si Dr. Fabro tungkol sa mga nasa bilangguan. "Sino pa ang tutulong sa kanila? Wala naman nang pumupunta rito. Eh 'di kami-kami na lang tapos hihingi ng tulong sa labas."

"Doc Henry, saludo kami sa'yo. Meron kang ginintuang puso sa ating mga kababayan especially 'yung mga hindi dinadalaw ng kanilang mahal sa buhay, nakakulong," mensahe ni Kuya Wil kay Doc Henry.

"Kay Doc Henry sana, kung may maitutulong ako, mga gamot sa ating mga kababayan na nakakulong ... Well ako gusto kong tumulong sa pamahalaan. I'm willing to help sa ating mga kababayan," sabi ni Kuya Wil.

"Sa mga nag-iisip na gumawa ng hindi mabuti, isipin niyo kung gaano kahirap ang buhay na nakakulong," paalala naman ng Wowowin host. – Jamil Santos/RC, GMA News