Hindi itinago ni Liezel Lopez na "starstruck" siya sa tuwing kaeksena niya ang mga beterano na sa industriya na sina Carmina Villarroel at John Estrada.

"Actually, especially kay Ms. Carmina, sobrang na-starstruck talaga ako sa kaniya. Nakasama ko na siya sa 'Kara Mia' before, pero iba talaga kapag magka-scene kayo eh," sabi ni Liezel tungkol kay Carmina, pati na rin kay John Estrada sa "Hangout" ng GMA Artist Center.

"Sobrang, ewan ko, namo-motivate ako sa kanila. 'Yung ang dami ko ring nakukuhang pointers. Parang 'Ah, puwede kong i-try ito ah,'" dagdag ng Starstruck 6 Avenger.

Katrabaho ni Liezel si Carmina at John sa GMA Afternoon Prime series na "Babawiin Ko ang Lahat," na pinagbibidahan ni Pauline Mendoza.

"Ang dami nilang advise tsaka nai-inspire ako to work better, to do more sa job ko. Sobrang ang sarap sa feeling especially kapag sila 'yung kaeksena, sobrang easy ng work," sabi ni Liezel.

Ayon sa Bubble Gang babe, nakita niya ang kakaibang emosyon na ibinibigay ng mga beteranong aktor at aktres sa mga eksena.

"Tsaka grabe 'yung emotion na binibigay nila, sobrang starstuck ako," ani Liezel.

Ginagampanan ni Liezel ang role ni Trina Espejo, anak nina Dulce Espejo-Tanaka (Carmina) at Victor Salvador (John) na materialistic at kakainin ng inggit kay Iris Salvador (Pauline). – Jamil Santos/RC, GMA News