Magkakasama ang real-life sweetheart na sina Maine Mendoza at Arjo Atayde sa Kapuso sitcom na "Daddy's Gurl."
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras," sinabing special guest ng "Daddy's Gurl" si Arjo na bagong mang-iinis sa mga Otogan, lalo na kay Stacy na ginagampanan ni Maine.
Sinabing magdadala ng mga nakakatuwang barahan at kompetisyon ang pagpasok ng karakter ni Arjo.
Mapapanood ang naturang episode sa Marso 6.
"First time po naming magkatrabaho was sa 'Jack Em Popoy.' First time po naming magkatrabaho na kami na po talaga," sabi ni Arjo.
"First time rin naming mag-meet doon sa movie sa 'Jack Em Popoy' two years ago," pagbalik-tanaw naman ni Maine.
Nag-effort naman si Arjo na gumanap sa sitcom, at ito ang magsisilbi niyang regalo kay Maine sa kaarawan nito sa Marso.
"Nakakatawa kasi nag-uusap kami and sinasabi niya sa akin na medyo kinakabahan siya. Pero sabi ko 'Ano ka ba, kaya mo 'yan.' Na-deliver naman, best actor!" sabi ni Maine.
"I'm very happy na I've got to work with her, and then it's on her birthday so it's special to me... building memories with her, this is all just memories together na that we're building and I'm very happy," sabi ni Arjo.
"Hindi ko ma-explain, sabi ko 'Yay! Finally I got to work with her,'" dagdag ni Arjo.
"Kasi ang tagal ko na ring hindi nakakauwi. So nu'ng Valentine's I spent it with my family sa Bulacan, tapos nag-dinner na lang kami the following night ni Arjo," kuwento naman ni Maine tungkol sa kanilang Valentine's Day date.
Natanong si Arjo kung ano ang kaniyang special gift kay Maine sa kaarawan nito sa Marso.
"Sa amin na lang po 'yun. Surprise," sagot ni Arjo.
"Lagi kasing may paandar 'yan, as in lagi. Hindi puwedeng sabihin dito kasi malalaman ko na kung ano 'yung paandar niya," sabi ni Maine. --Jamil Santos/FRJ, GMA News