Kilala ngayon bilang ang matapang at palaban na si "Veron Santos," ipinaliwanag ni Sheryl Cruz kung bakit tinanggihan niya noong una ang Kapuso series na "Magkaagaw."
"It's so hard... In the beginning I actually turned down the project because ang dami-daming hinihingi. Ito 'yung pinaka-daring ko na TV drama na ginawa. But I'm so happy na I was able to do it and I was able to successfully portray the role of Veron," sabi ni Sheryl sa At Home with GMA Regional TV.
May pag-aalinlangan daw si Sheryl sa umpisa dahil sa kuwento ng kaniyang karakter.
"One of the reasons why I reconsidered the project is because the story of Magkaagaw actually revolves around Veron Santos because na-fuel 'yung kaniyang pang-aagaw dahil siya 'yung unang inagawan ng asawa," sabi niya.
"It's not because masamang tao siya kundi hindi natin alam ang reactions ng iba't ibang tao na naaagawan," dagdag ng aktres.
Sa naturang kuwento, iniwan si Veron ng asawa niyang si Mario (Alfred Vargas) para sa isa pang babae na si Laura (Sunshine Dizon).
Matapos ang 23 taon, naging assistant ni Veron ang anak ni Laura na si Clarisse (Klea Pineda). Nang malaman ni Veron na mag-ina sina Laura at Clarisse, naghiganti siya sa pamamagitan ng pagkakaroon ng love affair kay Jio (Jeric Gonzales), asawa ni Clarisse.
Naging usapan ng netizens ang mga maiinit sa eksena ng Magkaagaw, tulad ng bathtub scene nina Jio at Veron.
Pahayag ni Sheryl tungkol sa mga manonood, "Actually they are very affected, which means I did my job right. Kasi kung hindi ka naman maaapektuhan, siguro walang dating 'yung ginawa mo na portrayal."
"But then, ito na nga, only here in the Philippines tayo. Kasi dapat i-open up na rin natin 'yung ating senses sa pagtanggap ng characters are just characters and hindi dapat mamersonal. Because it's our job as actors to deliver entertainment for all of our viewers," sabi niya. —LBG, GMA News