Lalayo muna sa Metro Manila at sa isang beachfront house sa probinsiya maninirahan si Kris Aquino.

Sa video post nitong Miyerkules, sinabi ni Kris na regalo niya ito sa sarili para sa kaniyang kaarawan sa Pebrero 14.

"Birthday gift ko po sa sarili ko ang paglipat sa isang beachfront house na inupahan namin for the next 6 months," saad ni Kris sa video kung saan sumabak siya "Jojowain o Totropahin" challenge.

"Yes, you heard it correctly. Sa probinsya kami titira. Lalayo muna kami sa NCR," patuloy ni Kris pero hindi niya sinabi kung saan.

Sabi ng actress-host, babalik lang siya sa Central Luzon tuwing ika-anim na linggo para bisitahan ang anak na si Josh na nag-e-enjoy naman daw sa kanilang lalawigan sa Tarlac.

Umalis na rin si Kris sa dati niyang tirahan sa Greenmeadows kung saan madalas niyang gawin ang kaniyang webisodes.

Kuwento ni Kris, ilang buwan na silang nakatira sa BGC sa Taguig, "which many of you assumed was our condominium. I am taking my time in deciding where my sons and I will feel most comfortable."

Nagbigay daw ng dagdag na pagpipilian sa kanila kung saan lugar maninirahan sa pagkakaroon ng bagong Skyway.

Nagpasya raw si Kris na lumayo muna sa Metro Manila dahil kailangan niya ring alagaan ang kaniyang kalusugan ngayong panahon ng pandemic.

"Kailangan mas lalo ko pang pag-ingatan ang kalusugan ko because as you saw in this video, I am the only parent the 13-year-old beside me has," patungkol niya kay Bimby.

"Kuya Josh and Bimb will always remain the greatest priorities of my life but I can only give them my love and their much needed sense of security if I do everything I can to protect my health," sabi pa ni Kris.

Binanggit din niya ang problema ng kaniyang immune system dahil sa kaniyang "autoimmune conditions."— FRJ, GMA News