Mas nag-level up pa ngayon si Dion Ignacio sa kaniyang pagro-roller blading dahil nadagdagan pa ang mga natutunan niyang tricks, mula nang balikan niya ang kaniyang hobby nitong panahon ng pandemic.

"Nagja-jogging ako sa village, ang lawak kasi ng lugar dito sa amin. Nasa isip ko, 'Ano kaya kung mag-roller blades ako dito?'" kuwento ni Dion tungkol sa muling pagsisimula niya sa roller blading sa GMA Regional TV Early Edition.

"Tapos ngayon mas nag-level up ako kasi nagsi-search pa ako sa YouTube ng mga tutorial, hanggang sa natuto na ako. Ngayon nagiging exercise ko na, kasi kaya ko na ng mabilis eh. Kaya kong mag-stop, hanggang sa maging cardio ko na," pagpapatuloy ng Kapuso actor.

Mas marami na raw alam na tricks si Dion sa kaniyang pagro-roller blading.

"Noong sanay na ako, kaya ko nang mag-sprint, na-e-enjoy ko na. Kapag pamilyar ka na, alam mo na 'yung nangyayari, ang sarap na ng feeling," kuwento ng aktor.

"Nakakatanggal ng stress, lalo na kapag umaandar ka, ang bilis tapos 'yung hangin pumapalo sa mukha mo, sa damit mo, ang sarap. Para kang lumilipad," patuloy niya.

 

Matatandaang binalikan ni Dion ang pagro-roller blading noong nakaraang taon para muling balikan ang kaniyang pagkabata.

Mapapanood si Dion sa Kapuso series na Magkaagaw bilang si Zander, isang lalaking iniintindi lang ang pagmamahal niya kay Clarisse (Klea Pineda) at walang pakialam kung makasira man ng relasyon.

"Ang gusto ko rito sa bandang huli, dahil sa sobrang pagmamahal niya kay Clarisse, nagising siya sa katotohanan, nagparaya siya," ani Dion. --FRJ, GMA News