Unti-unti nang nasasanay si Aicelle Santos sa kaniyang pagiging ina kay Baby Zandrine. Kaya naman habang sanggol pa ang anak, sinusulit na ni Aicelle ang kanilang bonding sa kanilang breastfeeding time.
"Sobrang cute na cute siya and matakaw. She’s a source of joy," sabi ni Aicelle nang kumustahin tungkol kay Baby Zandrine sa "Unang Hirit" nitong Miyerkoles.
Mula sa mga larawan ni Aicelle, napuno na ang kaniyang Instagram ng mga larawan ni Baby Zandrine, na tuwang-tuwa silang ayusan ng asawa niyang si Mark Zambrano.
"To be honest, pigil na pigil pa ako pa ako niyan mag-post. Pero 'yung laman ng aking gallery puro si Zandrine na when she’s sleeping, I love taking photos of her kapag kausap namin siya. Kasi parang nangungusap na siya," kuwento ng Kapuso singer.
"Minsan si daddy ang magpi-picture. Tapos ako 'yung kung anu-ano 'yung gagawin, so stage parents," natatawang sabi ni Aicelle.
Inilahad naman ni Aicelle na mahirap ang pag-breastfeed, lalo ang unang dalawang linggo, pero unti-unti na siyang nasasanay.
"Medyo hirap kasi nga, iba pa 'yung oras ng tulog ni baby. So right now I can say nagkakilanlan na kami ng aking baby. When it comes to breastfeeding naman, I have more milk now."
Kaya naman sinusulit ni Aicelle ang bonding na ito ng kanilang anak.
"Sabi ko nga eh, hanggang gusto niya mag-feed sa 'kin," sabi ni Aicelle.
Magiging judge si Aicelle sa singing talent show para sa mga bata na "Centerstage" na eere sa GMA-7 sa Pebrero 7.--FRJ, GMA News