Ngayong nakapagtapos na sa kolehiyo ng Bachelor of Science in Entrepreneurship, inihayag ni Juancho Triviño na hindi naging madali ang pinagdaanan niya nang magsabay ang kaniyang pag-aaral at showbiz commitments.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing maluwag nang nakatatanggap ng acting assignments si Juancho matapos magmartsa noong nakaraang Linggo.
Hindi aniya naging madali kay Juancho na pagsabayin ang showbiz at pag-aaral dahil kailangan niyang makiusap sa production ng kaniyang mga programa.
"Nakatatlong teleserye ako habang nag-aaral ako. Medyo matinding pakiusapan siya sa production team para maka-attend ako ng mga klase ko," anang aktor.
"Nakausap ko rin 'yung production staff ng 'Unang Hirit' for a long time na kailangan kong hindi muna ako masyadong malayo or kung aabot man ako sa La Salle ng 11 a.m. that would be a big day kaya nagpapa-excuse rin ako nang maaga," sabi pa niya.
Labingdalawang taong nag-aral si Juancho sa De La Salle University, na nagsimula noong 2009.
"I started college 2009, as you can see iba pa itsura ko, not only that may malaking box pa yung mga monitor ng mga computer (just goes to show) and I stopped mid way to pursue my acting career," kuwento ni Juancho sa Instagram.
Matapos ang ilang taon, bumalik si Juancho at nagdesisyong "against all odds finish my degree in DLSU as a cross enrollee from DLSU-STC."
Samantala, bibida si Juancho sa bagong episode ng "Wish Ko Lang" nitong Sabado, na gaganap bilang isang anak na labis na minahal ng matanda na niyang ina.
Nang magkaroon si Juancho ng lovelife sa istorya, nagkaroon ng separation anxiety ang ina at humiwalay pero may mangyayari hindi maganda rito. --Jamil Santos/FRJ, GMA news