Nagbayad na ng kanilang multa ang 33 katao na lumabag sa minimum health protocols nang dumalo sa selebrasyon ng kaarawan ng eventologist at socialite na si Tim Yap.

Sa inilabas ng pahayag ng Public Information Office ng Baguio City, sinabing umabot sa tig-P1,500 ang ibinayad na multa nina Yap, KC Concepcion, at iba pang bisita, kabilang na ang maybahay ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

"A total of 33 participants to the event including Mrs. Arlene Magalong, celebrant Tim Yap and artist KC Concepcion have each paid their fines of P1,000 for violation of Ord. 45-2020 and P500 for Ord. 46-2020," ayon sa pahayag na naka-post sa Facebook page ng PIO-Baguio City.

Samantala, umabot naman sa P9,000 ang multa ng The Manor Hotel na pinagdausan ng selebrasyon.

"The Manor paid a total of P9,000 (P1,000 for violation of Ord. 45-2020 Face Mask Ordinance; P3,000 for violation of Ord. 46-2020 Physical Distancing Ordinance; P5,000 for violation of Ord. 53-2020 New Normal Operation for Business Establishments)," nakasaad din sa pahayag.

 

Protocol violators pay fines Jan. 29, 2021 - Protocol violators in the controversial birthday affair held at The Manor...

Posted by Public Information Office - City of Baguio on Friday, January 29, 2021

 

Una nang sinabi ni Mayor Magalong na nagkaroon ng paglabag sa naturang pagtitipon dahil may pagkakataon na nag-alis ng face mask at face shield ang mga bisita.

Kabilang ang alkalde at kaniyang maybahay sa mga dumalo sa pagtitipon.

Ipinaliwanag naman ni Yap na ang lumabas na video na nagsasayaw ang mga tao na walang face mask at hindi nasunod ang physical distance ay nataon sa oras na kakain na ang mga bisita nang magsimula ang cultural dance at ayain ang mga tao.--FRJ, GMA News