Sa programang "Sarap, 'Di Ba?" nagbigay ng tips ang bagong Kapuso na si Richard Yap kung paano magiging ligtas sa pagmamaneho ang mga nagpaplanong maging rider, tulad ng pag-enroll sa mga motorcycle riding course.
"Kasi karamihan ng mga tao sa atin, 'yung riders, they go from riding a bicycle directly to driving a motorcycle. Iba ang bisikleta, iba rin ang motor," sabi ni Richard.
"Kasi ang motor may makina, so you have to take into account the power of a motorcycle," dagdag niya.
Bukod sa basics ng pagsakay sa motorsiklo, matututo rin ang isang rider kung paano mag-brake sakaling magkaroon ng emergency at ano ang kaniyang kailangang gawin sa mga sirang kalsada, ayon kay Richard.
Paalala pa ni Richard, gumamit ng safety riding gear, tulad ng full face helmet.
"I've seen a lot of riders na ang ginagamit nila 'yung helmet pang-skateboard, which is not going to help you at all," saad niya. "Maraming nahuhulog sa motor, 'yun ang gamit, hindi sila napoprotektahan."
Magsuot din ng protective pants at motorcycle-riding shoes o boots.
"Kapag sumemplang kayo, naka-tsinelas kayo, tocino lahat ng skin niyo. We don't that to happen," paalala ng Kapuso actor.
Sinabi rin ni Richard na iwasang mag-split lane kapag mabilis ang takbo ng mga sasakyan.
"Pero 'pag mabilis 'yung takbo ng iba, huwag mo rin silang sabayan kasi a small miscalculation, puwede kang maipit. Madami ang naaaksidente dahil diyan."
Panoorin ang iba pang tips ni Richard para maiwasan ang aksidente sa motor. – Jamil Santos/RC, GMA News