Bago pa man magsimula sa showbiz, marunong nang dumiskarte si Paolo Ballesteros, kaya ito ang naging daan niya para makapasok sa mga commercial.
Isa si Paolo sa choices sa Bawal Judgmental segment ng Eat Bulaga ngayong Sabado, na tungkol sa mga nagsimula muna bilang commercial model bago maging artista.
Mula sa Cabanatuan City si Paolo at pamangkin ni Eula Valdez, at inalok siya ng pinsan niya na subukan ang mga commercial noong 18 anyos siya.
May pagtutol pa noon ang ama ni Paolo na mag-artista siya.
"'Kung itutuloy mo 'yan, ikaw bahala sa buhay mo.' Hindi niya ako susustentuhan," pag-alala ni Paolo na sinabi sa kaniya ng kaniyang ama.
Lumuwas si Paolo ng Maynila para mag-audition at nakasabayan ang iba pang mga model na.
"Nakikita mo 'yung mga nag-a-audition, nagvi-VTR, napapanood ko na sa mga commercial, ganiyan. So parang nakakahiya," sabi ni Paolo.
Pero hindi nagpatalo si Paolo, at ginawang kakaiba ang entry niya sa kaniyang VTR.
"Ang ginawa ko kasi noon, dinaan ko sa acting," kuwento ni Paolo.
"Tapos papakainin ka ng burger. Siyempre lahat 'yun kakain tapos 'Hmm sarap!' Ang ginawa ko 'pag kumagat ng burger, siyempre lalasahan mo muna 'di ba? Tapos kakagat pa ulit. 'Hmm!' Gano'n."
"Sa pagvi-VTR kasi, sa mga commercial, kailangan masipag kang pumunta sa VTRs pero may kasama rin na luck eh, 'yung swertihan," para kay Paolo, na agad napapasama sa mga final casting.
"Dinaan ko na lang sa acting acting. Kasi nga alam ko na 'yung process na dadaanan lang 'yun ng mga caster eh. Kapag hindi memorable 'yung ginawa mo, siyempre forward forward. Pero 'pag memorable 'yung ginawa mo ... Eh ang suot ko yata nu'n naka-leather pants," kuwento ni Paolo.
"Sabi siguro ng mga caster 'Hala sino itong naka-leather pants na ito? Kumakain ng burger naka-leather pants? Pasok!" natatawang kuwento ni Paolo. – Jamil Santos/RC, GMA News