Sa likod ng pagiging hit ng kantang "Black Swan" ng K-pop group na BTS, mga Filipino artist at songwriters ang nag-collaborate para mabuo ang catchy lyrics at melody nito.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, ipinakilala sina August Rigo at Vince Nantes.
Naging tulay nina August at Vince para sa kanilang proyekto ang artist at BTS choreographer na isa ring Pinoy na si Brian Puspos.
"Vince started roughly, he gave that great intro in it. 'Do your thing, do your thing' and we just took it from there," sabi ni August.
"I've been writing for years trying to accomplish, kind of like what August has. He gave me that opportunity and helped me with my first one," kuwento naman ni Vince.
Bukod kina August at Vince, nakipag-collaborate rin ang iba pang song writers para mabuo ang Black Swan.
Isa rin si August sa co-writer ng isa pang BTS song na "On."
Ipinanganak at lumaki si August sa Canada pero parehong mga Pilipino ang kaniyang mga magulang. Nagsimula sa music industry si August noong 2004 sa Amerika.
Nakapagsulat na rin si August ng kanta para kina Justin Bieber, One Direction, Chris Brown at iba pang K-pop artists.
Sinasalamin daw ng Black Swan ang kanilang naging journey.
"This song talks about almost giving up, and then breaking out of your shell," ani August.
Sa Pilipinas naman ipinanganak si Vince pero lumaki sa Chicago, Illinois.
Ngunit iniwan ni Vince ang Chicago at pumunta ng Los Angeles at nakapagtrabaho para kina Apl.de.Ap, at marami pang nakilalang artists at musicians gaya ni August.
Ayon kay Vince, malaking achievement para sa kaniya ang makapagsulat ng kanta sa BTS.
Bukod dito, muli nag-collaborate sina Vince at August para sa Filipina rapper na Alex Bruce sa kaniyang single na "Go Crazy."
"There is some great music out there in the Philippines," ayon kay August.
"I think the best way to give it back is to pay it forward," sabi ni Vince.--Jamil Santos/FRJ, GMA News