Mula sa mga concert at theater stage, mapapanood na rin sa telebisyon si Jett Pangan ng rockband na "The Dawn," bilang isang Japanese sa upcoming GMA series na "Babawiin Ko Ang Lahat."


Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing kinailangan mag-aral ng Japanese language si Jett para sa kaniyang role.

Nanibago raw ang singer-actor sa lock-in taping.

Gayunman, positibo ang kaniyang karanasan dahil magagaan kasama ang kaniyang co-stars na sina Carmina Villarroel, John Estrada, Tanya Garcia at Pauline Mendoza.

"Buti na lang meron silang hinire na language coach online, tinuturuan nila ako sa Viber ng words on how to pronounce. Tapos siyempre bilang Japanese ako na marunong mag-Tagalog, 'yung accent ko may Japanese accent," sabi ni Jett.

Bukod sa kaniyang TV appearances, pinagkakaabalahan ni Jett ngayong taon ang kaniyang podcast at YouTube channel.

First love pa rin daw ni Jett ang musika.

"We were fortunate na noong Oktoberfest last year, we were able to play together for the first time since the pandemic. Nag-set up sila ng stage pero walang tao, it's just cameras pero tumugtog kami nang live," ani Jett.

Hindi naman itinigil ng The Dawn ang paggawa nila ng mga kanta sa tatlong dekada na nilang pagsasama.

"Corny as it may sound, it's really the love for music, 'yun talaga ang glue that bonds us together. Hanggang ngayon magzu-Zoom kami sa gabi to come up with song ideas," sabi ni Jett.

Nakatakda raw maglabas ng bagong kanta ang The Dawn na napapanahon at angkop sa sitwasyon ngayon.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News