Mula sa pelikula, gagawing drama series sa Kapuso network ang 80s classic film na "Nagbabagang Luha" na idinirek noon ni Ishmael Bernal.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ang teleserye ay pangungunahan nina Glaiza De Castro, Rayver Cruz at Mike Tan.

Gagampanan ni Glaiza ang role ni Maita na ginampanan sa pelikula ni Lorna Tolentino.
Si Rayver naman ang gaganap na si Alex, na role noon ni Gabby Concepcion.
"S'yempre nandun 'yung feeling na malaking responsibilidad kasi kahit papaano na-familiarize naman na kami doon sa pelikula at nakita namin 'yung performances nila Ms. Lorna. So parang, 'Shocks kailangan talagang todohin,'" ayon kay Glaiza.
Excited si Rayver dahil ito rin ang unang proyektong drama series na katambal niya si Glaiza.
"Si Glaiza lagi akong kasama 'yan sa [All-Out Sundays] pero iba kasi, ngayon palang kami mag-wo-work sa isang soap so excited ako," anang aktor.

Gaganap naman si Mike bilang si Bien na karakter noon ni Richard Gomez. Habang ang bagong Kapuso na si Claire Castro ay si Cielo na role noon ni Alice Dixson sa pelikula.

Kasama rin sa "Nagbabagong Luha" si Myrtle Sarrosa na bagong karakter ang gagampanan sa serye.—MGP, GMA News