Kahit sa Ireland naganap ang engagement nina Glaiza de Castro at David Rainey, napag-alaman na humingi muna ng basbas ang binata sa mga magulang ng aktres bago niya ginawa ang proposal. Next year na nga ba ang kasal?

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ibinahagi ni Glaize kung papaano pinaghandaan ng kaniyang fiance ang simple pero romantikong proposal.

"Before pala ako pumunta dito, humingi na siya ng blessing. Tumawag siya sa nanay at tatay ko, sinet niya 'yung date, tapos nagbihis siya sa video call," ani Glaiza.

Wala raw inasahan si Glaiza nang araw na imbitahan siya ni David na mag-agahan sa paboritong lugar ng binata. Pero napansin daw niya may kakaiba sa ikinikilos nito.

"After naming kumain ng konti, tapos lumipat kami ng area kung saan mas sheltered, medyo hindi ganun kalamig, nagpatugtog siya. Ito 'yung song na kung paano kami nagkakilala. Ito 'yung song na tinanong ko nung time na nasa Siargao ako kung sino 'yung nagpapatugtog," kuwento ng Kapuso star.

"And then finally tinanong niya, 'Can I ask you something?'" patuloy ni Glaiza. "Tapos 'yun na 'yung parang nag-hit sa akin na, 'Oh my gosh ito na 'yun.' Tas naiyak na ko. Tapos lumuhod na siya."

Sinabi ni Glaiza na plano nila ni David na sa Pilipinas magpakasal pero hindi pa raw ito magaganap sa 2021.

"We're still taking our time, hindi naman kami masyadong nagmamadali," anang aktres.

"It's definitely not gonna be a grand wedding. Basta nandun lahat ng mga importanteng tao, friends and family, 'yun na 'yun," dagdag niya. —FRJ, GMA News