Humihiling ng isang kapatid ang unica hija ni Yasmien Kurdi na si Ayesha ngayong Pasko dahil gusto na nito ng makakalaro.
"Nitong mga nakaraang araw, ilang beses na rin po kaming nililigawan ni Ayesha ng isang kapatid. Actually, last November pa noong birthday niya. Nalulungkot daw kasi siya, gusto raw niya ng kalaro," kuwento ni Yasmien sa kaniyang vlog.
Ngunit sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras," sinabi ni Yasmien na malabo pa itong mangyari sa ngayon.
Kaya naman tinupad ni Yasmien ang hiling ng anak sa ibang paraan nang i-adopt nila ang aso na si Casper, na kanila ngayong "star ng Pasko" at bagong miyembro ng kanilang pamilya.
"Ngayon po ang gaan-gaan ng mga ulo ng mga tao sa bahay namin, saka hindi lang si Ayesha ang gusto siyang kalaro, lahat po kami gusto namin siyang kalaro," muling kuwento ni Yasmien sa kaniyang vlog.
"Na-realize ko, itong 2020 parang hindi mo na kailangan isipin na kailangan mong kumita ng napakalaki. Ang pinaka importante ngayon is ma-survive mo 'tong 2020. Kahit enough lang 'yung kitain mo, basta ma-survive mo na safe ka with your family and loved ones," sabi ng Kapuso actress.
Naging matumal ang tapings para kay Yasmien ngayong taon dahil na rin sa COVID-19 pandemic, at nabawasan din ang flights ng kaniyang mister na si Rey Soldevilla. – Jamil Santos/RC, GMA News