Inihayag ni Angelika dela Cruz ang kaniyang pag-apruba sa relasyon ng kapatid niyang si Mika dela Cruz kay Nash Aguas.

Sa "Mars Pa More," kinumusta si Mika tungkol sa kaniyang lovelife ngayong panahon ng pandemic.

"Okay naman po kasi at least ngayon nakakapagkita na. Dumadalaw naman siya dito din," kuwento ni Mika tungkol kay Nash.

Na-curious naman si Mars Iya kung sinasang-ayunan ni Angelika ang relasyon ng kaniyang kapatid sa aktor.

"Approve naman si ate?" tanong ni Iya.

"Oo," pagtango ni Angelika. "Nakita ko na lumaki 'yung dalawa, kasi mag-best friends sila since they were six, seven years old."

Sa ulat ng PEP.ph, inilahad ni Angelika na aprubado siya sa ugali ni Nash.

"Hindi ako kunsintidora. Mabait kasi 'yung bata. Alam mo ang teenager, higpitan mo kapag hindi niya alam 'yung relasyon niya," ani Angelika.

"Si Mika, napakabait na bata, si Nash din, mabait na bata. Si Mika nga 'yung tipong nabu-bully lagi. Kahit binu-bully, hindi yun sumasagot. Magkakilala sila simula bata," pagpapatuloy ni Angelika.

"Maliit pa lang si Nash, kasama ko na, paano mo susungitan? Mabait siya," ayon kay Angelika. – Jamil Santos/RC, GMA News