Lalo raw tumibay ang pananampalataya sa Diyos ni Arra San Agustin dahil sa COVID-19 pandemic, at lalo ring tumaas ang respeto niya sa mga katrabaho sa likod ng camera dahil sa kaniyang work from home set-up.

Kabilang sa ipinagpapasalamat ng host ng show na "Taste MNL" ay patuloy siyang nakapagtatrabaho kahit nasa bahay lang.

"Masasabi ko naman na mayroon akong special relationship with God but I think ngayong pandemic lalo akong naging close sa kaniya," saad niya sa Kapuso Showbiz News.

"Sa sobrang na- appreciate ko si God kasi tinutulungan nga pa rin ako kahit anong mangyari. Alam mo yung tipo na sa sobrang appreciate mo sa kaniya minsan maiisip mo, 'Favorite Niya ba 'ko bakit 'di Niya ako pinapabayaan?' Yung mga ganung bagay," masaya pa niyang sabi.

Marami rin daw napagtanto, naisip, at natutuhan ang aktres tungkol sa buhay at trabaho ngayong panahon ng pandemic.

Mayroon daw siyang pagsubok na pinagdaanan na hindi niya akalain na malalampasan niya kaya sobrang nagpapasalamat ang aktres.

Lalo rin daw tumaas ang pagtingin at respeto niya sa mga katrabaho sa likod ng camera dahil sa karanasan niya sa kaniyang work from home.

"Ang hirap. High respect sa lahat ng nasa production team, lahat ng nagtatrabaho behind the camera, sobrang laki ng respeto ko sa kanila. Kasi hindi pala siya ganung kadali, kasi magse-setup ka lang ng ilaw mo, magse-setup ka lang ng camera inabot ka nang siyam-siyam. So ang hirap," kuwento niya.

Natuto rin daw siya ng paggawa ng sariling content na nagamit niya sa kaniyang show na dapat ay maging interesting at iba-iba ang framing.

Inihayag din ni Arra na plano niya na ring gumawa ng sariling Youtube channel.

Nais ni Arra na maipakita sa kaniyang magiging Youtube channel ang Arra na hindi raw nakikita sa likod ng camera. --FRJ, GMA News