Nagpapakatatag ang vlogger couple na sina Viy Cortez at Cong TV matapos na makunan si Viy ilang araw lamang nang malaman nila na buntis siya.
Sa kaniyang vlog, inilahad ni Viy na ang pagkakaroon nila ng baby ni Cong ang "pinakamagandang blessing" na makukuha niya sana ngayong 2020.
"Nung December 12, nalaman namin ni Cong, nalaman ko muna na buntis ako. Tapos pinakita ko 'yun kay Cong, sobrang saya niya na nalaman niya na buntis ako. Tapos nagpa-check up kami, nalaman ko na six weeks pregnant na ako nu'ng December 12," sabi ni Viy.
Matapos nilang malaman na magkakaanak na sila, nagplano na sila para sa kanilang baby at inanunsyo rin nila ito sa Team Payamansion.
Ngunit binawi ng dagok ang saya nang makunan si Viy nitong Disyembre 18, na mismong monthsary pa nila ni Cong.
"Kahapon, saktong monthsary namin ni Cong, dinugo ako... Kahapon nakunan ako. At ngayong araw ko na-confirm na wala na talaga. Nakunan pala talaga ako kahapon nu'ng dinugo ako," emosyonal na sinabi ni Viy.
"Sorry hindi ko ma-explain kasi gusto ko lang talaga magkuwento para kahit paano, meron siyang memory sa akin na kahit saglit lang. Ganu'n pala 'yung pakiramdam 'no, kahit saglit lang..."
Gayunman, naramdaman ni Viy na kailangan niyang magkuwento para gumaan ang pakiramdam niya kahit paano. "Gusto kong makilala niyo siya kahit gano'n kasaglit," anang vlogger.
Nagpapakatatag ngayon sina Viy at Cong at tinatanggap ang pangyayari.
"Dumating siya, blessing siya ni Lord, pero siguro gano'n talaga. Baka hindi pa tamang oras, baka may tamang oras. Darating din ang tamang oras," sabi ni Viy.
"May dahilan ang lahat eh. Ayokong kuwestiyunin ang Diyos. Gusto kong magtiwala sa Kaniya kung bakit. Siguro hindi pa ngayon 'yung tamang panahon," dagdag ng vlogger. – Jamil Santos/RC, GMA News