Tulad ng ibang tao, nakaranas din ng depresyon si Doc Willie Ong at pinaglabanan niya ito ng dalawa o tatlong dekada. Kaya gusto niyang ibahagi ang kuwento ng kaniyang buhay para makatulong kung paano nila ito malalagpasan.

Isinapelikula ang buhay ni Doc Willie sa "I Will: The Doc Willie Ong Story" ng ALW Film Production.

"Ang goal ko lang sa movie, kung may dalawang kabataan, tatlo na balak tumalon sa building, balak na wakasan buhay nila, maisip nila 'Ay hindi, maghihintay ako nang konti.' Kasi sa akin I had to wait 20, 30 years. Hindi ka puwedeng maghintay ng one year lang, gaganda na buhay mo. You have to wait 20, 30 years. Long battle ito para maabot mo 'yung dream mo, makita mo 'yung may purpose ka pala dito sa mundo," sabi ni Doc Willie sa "Tunay Na Buhay."

"Mahalaga ang pagsisikap. Nu'ng pinanganak tayo, binigyan tayo ni God ng mission. Ang job natin, hanapin ano ba 'yung bagay na 'pag ginawa mo sobra kang happy?" sabi ni Doc Willie na aral ng kaniyang tunay na buhay. – Jamil Santos/RC, GMA News