Naka-relate si Shaira Diaz sa kinabibilangan niyang pelikulang "Coming Home" para sa Metro Manila Film Festival 2020, dahil tulad ng ama sa pelikula, umalis din ang sarili niyang tatay sa kanilang pamilya.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras," sinabing makakasama ni Shaira sa pelikula ang nobyong si Edgar Allan Guzman.
Kasama rin nila sina dating senador na si Jinggoy Estrada, Martin del Rosario, Julian Estrada at Luis Hontiveros.
Sa "Coming Home," iniwan ng karakter ni Jinggoy ang kaniyang pamilya, at bumalik ito noong maysakit na siya.
Halos ganito rin ang tunay na buhay ni Shaira, na hindi inililihim na humiwalay sa kanilang pamilya ang kaniyang ama at hindi na bumalik.
"Marami akong naging realization din po na, family is family. Kahit may nagawa pa sa'yong masama 'yan, kahit may sakit, may pain na binigay sa'yo, at the end of the day, we're still family. Tatay mo pa rin siya," sabi ni Shaira.
Samantala, sumabak na rin si Shaira at leading man niyang si Ruru Madrid para sa Kapuso series na "Lolong."
Nagsimula silang mag-training sa virtual lamang at sa kani-kanilang bahay pero ngayon, face to face training na ang kanilang ginagawa.
Mula sa form, totohanang action routines na ang kanilang ginagawa.
"Nakapag-train na ako before pero kailangan kong i-refresh talaga. So I think ayun po talaga 'yung mahirap. Even 'yung flexibility mawawala po talaga 'yan. That's why kailangan pong i-workout namin," sabi ni Ruru.
"'Yung isa rin sa part na nahirapan ako 'yung mga sipa. Since dahil hindi nga ako masyadong flexible, nahihirapan po 'yung legs ko na sumipa nang mataas, nawawala po sa balance," kuwento ni Shaira. —LBG, GMA News