Inihayag ni Wally Bayola na nagpositibo siya sa COVID-19.
Sa "Bawal Judgmental" segment ng Eat Bulaga nitong Sabado, kung saan naimbitahang mag-guest ang ilang COVID-19 survivors, inilahad ni Wally na nakuha nga niya ang naturang sakit.
Inamin ni Wally na nakuha niya ito dahil sa hindi niya pag-iingat, tulad ng hindi pag-inom ng vitamins para sa kaniyang kalusugan.
"Relax-relax lang. Masyado ako naging paniwalain doon sa mga nakikita ko sa social media na 'Wala namang COVID, hindi naman totoong may COVID.' Parang nadala ako, hindi ako nagma-mask, napagod na ako mag-mask, napagod na ako mag-face shield.”
May mga pagkakataon na humihiga si Wally na hindi na nagpapalit ng kaniyang mga damit o nagliligo pagkagaling sa trabaho, at hindi rin nagpe-face mask at face shield tuwing may fans na magpapa-picture sa kaniya.
"Na-relax ako, hindi ako nag-iingat. Kasi ang naging mentalidad ko 'Wala namang COVID, wala naman 'yan," sabi ni Wally.
Bukod dito, nakasabayan pa niyang kumain si Paolo Ballesteros. Hanggang sa isang araw sa taping, naramdaman ni Wally na wala na siyang boses.
“Magpapa-swab ako para pakita ko na negative ako. Napapahiya ako. Kahit 'yung crew parang naniniwala sa kaniya,” sabi ni Wally, dahil binibiro siya ng kapwa niya Dabarkads.
Lumabas ang resulta na nagpositibo siya, dahilan para himatayin si Wally.
“Hindi ko na maintindihan, parang wala naman ako nararamdaman. Nagpaospital ako kasi bumababa 'yung oxygen level... Pagdating sa ospital, doon lumabas 'yung symptoms ko.”
"Hindi naman ako nawalan ng panlasa, hindi naman ako nawalan ng pang-amoy," dagdag ni Wally na sinabing sinok nang dalawang araw ang naging sintomas niya.
Naging emosyonal si Wally nang ikuwento niya nang mag-isolate siya sa ospital, kung saan walang signal o komunikasyon sa mga mahal niya sa buhay.
"'Yung dasal ko, nagte-thank you na ako na na dinanas ko rin naman 'yung 'okay,' naradaman mo 'yung magandang buhay. Nagte-thank you na ako... Actually hindi naman ako nawo-worried na, sabi ko 'Kung ito lang talaga, hanggang dito lang talaga ako, okay lang.'"
"Pero naisip ko 'yung nanay ko,” maluha luhang sabi ni Wally.
“Kasi 'yung nanay ko, after a month nawala 'yung step father ko. Sabi ko, ‘Ma, ako mag-aalaga sayo. 'Wag ka malungkot. 'Wag ka iiyak. Tapos ako 'yung mawawala.'”
Hindi raw maiwasan ni Wally na mag-alala para sa kaniyang ina.
"Parang naisip ko lang, ano ba 'yan, parang salita lang 'yung magagawa ko sa nanay ko na 'Alagaan kita' pero ito ako nakahiga, may oxygen. Eh kung ito na pala na mamamatay ako, sino na?" kuwento pa ng comedian.
Nang malaman ng kaniyang ina na nagpositibo si Wally, biniro siya nito, kaya tumibay ang kaniyang loob.
"Sabi pa sa akin ng nanay ko 'Hhmm. Wala 'yan. Anak, wala. Sinabi ko rin 'yan sa sarili ko. Matagal ka pang mamamatay.' Parang sinabi ng nanay ko na masamang damo ako," biro ni Wally.
"Doon ko nagsimula na, 'Lalabanan ko na ito,'" sabi ni Wally, na nagsimula nang mag-exercise, kumain nang tama at mag-vitamins habang naka-quarantine.
“Huwag niyo po ilagay sa isip niyo na walang pandemya, huwag po, meron po. kasi ako po naranasan ko po, naramdaman ko at nag-suffer po ako," paalala ng comedian sa publiko.
"Meron pong COVID virus. 'Wag tayong maging relax, 'wag natin isiping wala naman 'yan, gawa-gawa lang 'yan ng ganito. Hindi po,” sabi ni Wally. – RC, GMA News