Sa halip na barong-tagalog o amerikana, jacket at sombrero ang isinuot sa mga labi ng namayapang OPM icon at binansagang "Jukebox Idol" na si April Boy Regino.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, sinabing ang jacket at sombrero na suot ni April Boy na ginagamit niya sa kaniyang mga pagtatanghal.
Mami-miss daw ng pamilya ng mang-aawit ang kanilang bonding tulad ng pagkakape at kantahan.
Nakaburol ang kaniyang mga labi sa kanilang bahay sa Marikina pero wala pang petsa kung kailan ang libing dahil hinihintay pa ang pag-uwi ng isa niyang anak na nasa Amerika.
Pumanaw si April Boy nitong Linggo dahil sa komplikasyon sa kaniyang mga sakit.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabi ng butihing maybahay ni April Boy na si Madelyn na nagkaroon ng stage 5 Chronic Kidney Disease o CKD ang mang-aawit.
Nalaman daw nila ito nang mapansin niya noong Setyembre na namamaga ang binti ni April Boy kaya hinikayat niyang magpatingin sa duktor.
Mula noon, napansin na daw nila na medyo nahihirapan nang humingi ang kinikilalang idol ng masa.
Binalikan din ng "KMJS" ang naging huling panayam ni Jessica Soho kay April Boy noong 2015. Panoorin.
--FRJ, GMA News