Hindi mapigilan nina Rocco Nacino at Melissa Gohing na maiyak nang mag-propose na ang aktor sa volleyball player.
Mapapanood ang video ng proposal ni Rocco kay Melissa sa YouTube channel ng huli.
Sa video, ikinuwento ni Rocco na bago ang proposal, hindi siya makatulog sa kaniyang paghahanda kasama ang pamilya at mga kaibigan.
"Then I realized talaga, 'Game!' I'm really set for this. I'm ready to move on to the next chapter of my life. I really thought about it, you know. Kapag alam mong siguarado ka sa taong 'yun, mararamdaman mo," sabi ni Rocco.
"Sabi ko, 'I think it's time. I think oras na para mapunta sa bagong chapter and I think what better time than now? Ba't ko pa patatagalin pa? She's perfect,'" dagdag pa niya.
Para kay Rocco, si Melissa ang dahilan kung bakit nasa "best version" ngayon siya ng kaniyang sarili. Lagi rin siyang pinapaalalahanan ni Melissa na unahin ang Diyos.
"So for me that alone is something very big. Something that really changes you, something that really sets your mind, telling you that, huwag na tayong magpaligoy-ligoy pa. This is it," ani Rocco, na gusto sanang hindi maiyak sa proposal dahil "ugly crier" daw siya.
Para sa kaniyang proposal, kunwaring magpi-picnic si Rocco at Melissa kasama ang kapatid ng aktor at girlfriend nito. Pero pagdating nila sa venue, may kunwari ring nagsu-shoot at tumatambay.
Kaya sa halip na mainis, dadalhin ni Rocco si Melissa sa isang pathway na maghahatid sa spot ng proposal.
Pero hindi pa man nakakarating, hindi na mapigilang maiyak nina Rocco at Melissa.
"This is the best version that I am because of you. You always teach me to put God at the center of our lives. Wala kang sawa sa pagtiis sakin, that for me is crazy, crazy. I did all of this just because you deserve the best," mensahe ni Rocco sa kaniyang nobya.
"I love you with all my heart I want to spend my life with you, the rest of my life with you. You're the most beautiful woman in the world, in God's eyes, and especially in my eyes. You deserve nothing but the best," dagdag ng aktor na lumuhod kay Melissa pagkatapos.
"I didn't expect it at all. Sobrang surprised until now. Hindi ko in-expect, sobra. I'm super happy kasi especially nandito 'yung family ko," sabi ni Melissa sa pagtatapos ng video. "One of the happiest days in my life."--FRJ, GMA News