Hindi naging balakid kay Teng Wenceslao ang kaniyang kapansanan na isa lang ang paa para makapaglaro ng paborito niyang basketball. Ang idol niyang PBA star na si Marc Pingris, napanood siya at humanga sa kaniyang positibong pananaw sa buhay.
Tubong Leyte si Teng na naninirahan ngayon sa Las Piñas City. Bata pa lang daw ay hilig na talaga niya ang paglalaro ng basketball.
“Kapag nasa akin na ang bola, talagang itatapon ko na sa ere, sure na pasok po ’yan," pagbida niya nang makapanayam sa "Kapuso Mo, Jessica Soho."
Sabi ng netizen na si Giovanni Bualan na nag-upload ng video ni Teng; "Nai-inspire din po kasi ako sa kanya kasi sobrang talented niya. Kahit na yung mga kalaban niya ang lalaki tapos malalakas, kaya niya makipagsabayan.
Lumuwas ng Maynila si Teng para magtrabaho pero naputulan ng isang paa dahil sa aksidente.
“Nagde-deliver po kami ng paninda po sana sa isang mall, bigla po may matandang tumawid. Gusto ko po siyang itulak pagbalik kasi po may parating po na jeep. Pero wala po akong nagawa eh. Pagkatalsik sa ’kin napunta po ako sa gutter tapos sinundan pa rin uli ako ng jeep. Pumatong ’yung gulong sa kanang hita ko," kuwento niya.
Sa kabila ng nangyari, hindi nawala ang hilig ni Teng sa paglalaro ng basketball na noon ay gumagamit pa ng wheelchair.
Kinalaunan, nagsaklay naman siya hanggang sa masanay na siyang maglaro na isa lang ang paa.
“Pinapraktis-praktis ko po dahan dahan po. Kahit may saklay ako lagi akong nadudulas. ’Yun dun po na nag-umpisa po ako maglaro-laro po, doon na tumibay po ’yung paa po," pagbahagi pa niya.
Ang mga kaibigan, todo suporta naman kay Teng sa kaniyang paglalaro.
Nang makarating kay PBA star na si Marc Pingris ang kuwento ni Teng, kaagad siyang humanga sa huli.
Napansin daw kasi ni Marc na masayang naglalaro si Teng na tila walang nararamdaman na kapansanan.
“Sobrang galing maglaro tapos nakangiti, parang walang iniinda na kapansanan. Parang napaiyak ako nang konti na natutuwa ako. Sabi ko gusto ko siyang makilala, gusto ko siyang ma-meet," saad ni Marc.
Kaya naman sinorpresa ni Marc si Teng at naglaro sila ng one-on-one bukod pa sa mga regalong ibinigay niya tulad ng espesyal niyang jersey o damit na isinuot niya sa isang memorable na laro. Panoorin ang nakaka-inspire na kuwento ni Teng sa video na ito ng "KMJS."--FRJ, GMA News